Sa Piling ng Iba

Limang taon na rin ang nakakalipas nung nakaapak ako dito sa bansang Singapore.

Dala ang pangarap na makakaahon kami sa kahirapan ng buhay, minabuti kong mag-abroad kahit pa kapalit nito ang mawalay ako sa aking asawa at dalawang anak. Sa umpisa mahirap dahil siguro hindi ako sanay na magkakalayo kami, pero habang tumatagal nasasanay na rin ako, pati na rin ang aking pamilya.

Sa panahon ngayon, gamit ang makabagong teknolohiya halos parang magkakasama na rin kayo, pero syempre iba pa rin yung nayayakap mo sila. Pero dumating yung panahon na mga anak ko na lang palage ang kausap ko sa video chat, sabi ng mga anak ko naghahanap daw ng pagkakakitaan si papa nila. Makausap ko man sya, madalas nagmamadali.

Pagkatapos ng tatlong taon kong pagtatrabaho sa Singapore, nagplano akong umuwi na sa Pilipinas. Gusto ko silang surpresahin. Gusto ko pagdating ko magugulat sila at magtatatalon sa saya dahil magkakasama na kaming muli, wala nang alisan.

Nangyari naman ang aking inaasahan, yun nga lang, mga anak ko lang ang sumalubong sa akin. Sabi nila madalas na raw hindi umuuwi ang Papa nila. Hanggang sa nalaman ko na may kinakasama na palang iba ang aking mahal na asawa.

Mahal ko asawa ko, pero siguro hindi na tamang ipaglaban ko pa sya. Makuha ko man sya uli, magiging masaya kaya sya sa piling naming mag-iina? Sa tutuo lang, sabihin nyo nang duwag ako o masama dahil di ko pinaglaban ang relasyon naming mag-asawa, hindi ko na masyadong inisip ang mga pangyayari. Bagkus nagpatuloy ako sa buhay, masaya naman ang dalawa kong anak na magkakasama kami, bakit ko pa ipaglalaban ang taong minsan na kaming pinagpalit sa iba?

Sa ngayon narito na uli ako sa Singapore, napakiusapan ko ang amo ko na muli akong kunin. Alam nyo ba ang mas masaya? Kasama ko ang dalawang anak ko dito, namumuhay ng maginhawa at mapayapa.

Hanggang dito na lamang, Admin. At baka kung saan pa mapunta ang kwento ko.

Minda ng Singapore

Kung may kwentong OFW kayo, ipasa nyo lamang po dito